Pareho tayong nakatingin sa kawalan, habang nakaupo sa may liwasan, nasa kaliwang dulo ako ng upuan at ikaw naman, nasa dulong kanan.
Kaunting distansya pero ramdam ko ang layo mo. Para kang nasa kabilang mundo. Wala tayong lakas para magsimula ng usapan, para hawakan ang isa't isa.
Nangingilid na ang luha ko. May mga salitang gusto nang pakawalan ang bibig ko pero nananatiling itong sarado. Nilalamon ako ng emosyon, nawawalan ng klaro ang isipan. Dapat ba kitang sumbatan? Dapat ba kitang sisihin? O dapat ba akong magmakaawa?
"Wala ka bang sasabihin?" tanong mo, sabay tayo sa iyong kinauupuan. May galit at awa sa mga mata mo. Gustong gusto kong malaman kung ano ang tumatakbo sa isipan mo. Sa bawat pagtitig mo sa akin, unti-unti akong natutunaw.
"Bakit..." Pagsisimula ko, at naputol ito ng marahang paghikbi.
"Hindi na 'to maaayos. Wala na tayong magagawa. Tapos na. May sasabihin ka pa?"
Iling ang isinagot ko sa'yo. Hindi ko kaya. Hindi ko kayang sabihin, na pigilan kang 'wag umalis. Na '
wag kang lumayo. Na ang bawat paghakbang mo palayo sa akin ay ikamamatay ko.
Nakakailang hakbang ka pa lang nang tumayo ako para yakapin ka nang patalikod. Sumabog na ang luha, malakas na paghikbi, habang sinasabi ko sayo'ng mahal na mahal kita...
Marahas mong tinanggal ang pagkakakapit ng mga kamay ko sa 'yong bisig. Humarap ka sa 'kin at bahagyang tinulak ako palayo.
"Ayoko na, please lang. Nakipagkita lang ako sa'yo para pormal nang tapusin ang lahat! 'Wag ka nang maghabol! Tignan mo nga ang sarili mo, para kang tutang nagmamakaawa! Respetuhin mo, kahit konti, ang sarili mo. Ang desisyon ko!"
Dumilim ang langit. Nagbabadya ang ulan. Mukhang malakas, saktong sasabayan ang agos ng aking pagluha. Ang pagyanig ng aking mundo. Ang unti-unting pagguho ng lahat ng pinanghawakan ko, lahat upang manatili kang akin.
"Buntis ako... Dalawang buwan na ang bata..."
"Aakuin ko. Magpapadala ako ng sustento."
"Pero ikaw... Ikaw ang kailangan ko. Namin!"
Nakita ko ang pagtigas ng panga mo. Galit at hindi awa o pagmamahal ang reaksyon mo, di gaya nang inaasahan ko.
"Hindi na nga pwede diba? Ano pa bang hindi klaro sa'yo?!"
"Hindi ko maintindihan kung paanong siya ang pinili mo at hindi ako!"
Bumuhos na ang ulan. Malakas at malalaki ang mga patak ngunit hindi ko halos maramdaman. Dinaig ng emosyonal na sakit, minanhid nito, ang kahit anong pisikal na sensasyon. Kahit ang pangangatog ng katawan kong pilit nilalabanan ang panghihina ay di ko pansin.
Sa malakas ng buhos na ulan, rinig ko ang marahan mong yapak. Palayo. Sa akin, sa ating anak.
Bago pa man nilamon ng ulan ang pandinig ko, habang ang mata ko'y marahang pumipikit upang 'di makita ang iyong paglayo, ay narinig ko ang mga huling salitang iyong sinambit.
At ito'y paulit-ulit na sumisigaw sa utak ko. Sa puso ko, sa buo kong pagkatao. Sapat upang mapaluhod ako sa basang semento.
"Humanap ka na nang masisilungan, baka kung mapa'no pa kayo ng bata.
Babalik na 'ko kay Anton."